Top 5 most wanted sa Region 2 nadakma

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya MANILA, Philippines — Isang 50-anyos na ama na nahaharap sa kasong paulit-ulit na panggagahasa sa sariling anak na menor-de-edad at itinuturing na “Top 5 most wanted person” ng Cagayan Valley (Region-2) ang nadakip ng mga awtoridad sa bayan ng Bambang sa lalawigang ito, kamakalawa.

Kinilala ni Police Co­lo­nel Ranser Evasco, director ng Nueva Vizcaya Provincial Police Office (NVPPO) ang nadakip na si Diosdado Telan, residente ng Barangay Macate Bambang at Number 1 most wanted ng Nueva Vizcaya.

Armado ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Paul Attolba, Jr. ng Regional Trial Court Branch 30, dinakip ng pinagsanib na puwersa ng Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Com­pany (NVPMFC), Provincial Intelligence Branch (PIB), Criminal Investigation and Detection Group (IDG), NVPPO at Bambang Police si Telan dahil sa kasong 4 counts of rape at 2 counts of rape by sexual assault.

Ayon sa report ng Women and Children’s Protection Desk ng PNP, paulit-ulit umanong gina­hasa at minolestya ng aku­sado ang kanyang sariling anak simula nang  siya ay 16-anyos pa lamang.

Napag-alaman na mag-isa lamang umano ang biktima sa poder ng kanyang ama matapos mag-asawa ang mga kapatid na lalaki habang ang kanyang ina ay may ibang pamilya na umanong inuuwian.

Mariin namang iti­nanggi ng suspek sa pu­­lisya ang reklamo at si­nabing gumagawa lamang ng kuwento ang kanyang anak. 

Show comments