STA. MARIA, Bulacan, Philippines — Patay ang isang lalaking rider at vendor ng banana cue matapos na posasan ng isang traffic enforcer at atakihin sa puso kamakalawa ng hapon sa Brgy. Caypombo ng bayang ito.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan Police director ang biktima na si Angelito Alcantara, nasa hustong gulang habang ang traffic enforcer na si Mario Domingo alyas “Bangis” ay inaresto at naka-detine na sa Sta. Maria Municipal Jail.
Sa imbestigasyon, dakong alas-3:35 ng hapon, pauwi si Angelito Alcantara, 47-anyos, ng Km.37 Brgy, Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan kasama ang kanyang asawa na namili ng paninda sa palengke nang harangin ng traffic enforcer na si Domingo kung saan hinanap umano nito ang lisensya at rehistro ng minamanehong motorsiklo ng nasabing rider.
Una nang pumayag si Alcantara na i-impound ang kanyang motorsiklo subalit pilit na kinukuha umano ng enforcer ang susi ng motor nito. Nang tumanggi si Alcantara at nakipagtalo ay pinosasan siya ng enforcer.
Bunsod nito’y nakiusap ang asawa ng biktima na huwag nang posasan ang kanyang asawa dahil sa may sakit sa puso, pero hindi umano pinakinggan ng enforcer hanggang sa biglang atakihin sa puso ang rider na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Naisugod pa ang rider sa pinakamalapit na ospital subalit idineklara na siyang dead-on-arrival ng mga doktor.
Sinampahan na ng kasong homicide sa piskalya ang nasbaing traffic enforcer.