VIGAN, Catanduanes, Philippines — Karumaldumal na kamatayan ang sinapit ng isang 6-anyos na batang lalaki matapos na pagsasaksakin ng kanyang dalagitang pinsan dahil lang sa hindi ito sumunod sa ipinag-uutos naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Tinago ng bayang ito.
Ang biktima na itinago sa pangalang Daniel ay natagpuang may mga saksak sa katawan malapit sa kanyang bahay.
Nasa kostudya naman ng social worker ang 16-anyos na dalagitang suspek na itinago sa pangalang “Vivian” na isasailalim sa intervention at psychiatric evaluation.
Sa ulat, pasado alas-6:00 ng gabi umalis ang lola ng biktima para bumili ng krudo sa tindahan at pagbalik ay hindi na mahanap ang apo.
Dakong alas-5:30 kinaumagahan ay nagulat ang isang residente na si Francisco Tawat, 55-anyos nang makita ang bata na patay na at inakalang nalunod sa dagat.
Sa ginawang post mortem examination ng Viga Rural Health Unit, lumabas na namatay ang biktima sa pananaksak base sa nakitang mga sugat sa itaas na bahagi ng tiyan, likod, leeg at iba pang bahagi ng katawan.
Habang ginagawa ang imbestigasyon ng mga pulis ay lumutang si Vivian at umaming siya ang sumaksak at nakapatay sa pinsan dahil hindi tumalima sa kanyang pinag-uutos, bukod pa sa may boses din umano siyang narinig at nag-uudyok na patayin ito.