CAVITE, Philippines — Libong pamilya ang nawalan ng tirahan habang isang residente ang nasugatan matapos na lamunin ito ng apoy nang sumiklab ang malaking sunog kahapon ng tanghali sa Brgy. H2, lungsod ng Dasmariñas.
Sa nakalap na ulat mula sa Dasmariñas City Fire Office, sumiklab ang malakas na apoy mula sa isang bahay na nasa likuran lamang halos ng Barangay Hall at dahil sa tindi ng init ng panahon na sinabayan ng malakas na hangin ay mabilis itong kumalat at tuluyang nilamon ang magkakatabing bahay hanggang sa matupok.
Isa ang naiulat na sugatan na inaalam pa ang pangalan mula sa sunog na tumagal ng may mahigit sa 2 oras bago tuluyang naapula ang apoy ng mga rumespodeng pamatay sunog.
Kasalukuyan nang nasa iba’t ibang covered court ng barangay ang mga residenteng nawalan ng tahanan habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pinagmulan ng sunog.