LUCENA CITY , Philippines — Balik kulungan ang isang drug personality na dalawang buwan pa lamang nakalalaya at kanyang kaibigan makaraang malambat at makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P.6 milyon sa isinagawang anti-drug operation ng mga operatiba ng Lucena Police Drug Enforcement Unit kahapon ng umaga sa Purok Riverside Ilaya, Brgy. Ibabang Dupay, dito.
Kinilala ni P/Lt. Col. Romulo Albacea, chief of police dito ang mga nadakip na sina Philenjun Vadal, 37, may asawa, tatlong taong nakulong sa paglabag sa RA 9165 at kalalaya lamang noong buwan ng Marso at Ajan De Milo, 26, may live in partner ng Parañaque City.
Ayon sa ulat, si Vadal ang inginuso ng mga nadakip na tulak nitong mga nakalipas na araw na siyang source ng kanilang ibinebentang ilegal na droga.
Nang magpositibo ang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng suspek ay agad na isinagawa ang buy-bust operation dakong alas 8:30 ng umaga.
Nakumpiska buhat sa mga suspek ang P500 bill na marked money, isang coin purse at mga plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 32 grams at may street value na P652,800.00.
Binanggit ni Vadal na sa isang lugar sa Parañaque niya kinukuha ang shabu at binabayaran niya sa pamamagitan ng pera padala.