TUGUEGARAO CITY, Philippines — Walang pinipili ang COVID-19 ano man ang iyong antas sa lipunan.
Ang nakapanlulumong halimbawa ay nangyari sa isang opisyal ng Isabela State University (ISU) sa bayan ng Echague na nasawi kamakalawa sanhi ng kumplikasyon sa virus nang hindi man lang naalagaan sa hospital.
Sa kanyang pahayag sa media, sinabi ni ISU President Ricmar Aquino na nabigong ma-admit sa ospital ang kapwa niya opisyal na si vice president Juanito Rosini, dahil umapaw na ang mga tinamaan ng virus.
Nasuri ang nasirang opisyal ng huling linggo ng Marso at naglaon ay nagpositibo sa COVID-19 pero minabuti nitong sumailalim na lamang sa home quarantine hanggang sa lumala ang kanyang kondisyon.
Gayunman, nagawang maipasok ang opisyal sa isang pribadong ospital sa Santiago City subalit huli na ang lahat makaraang malagutan siya ng hininga.