‘Nga-nga’ ng mga katutubo idineklarang ‘essential’ sa Ifugao

Sa kanyang social media advisory noong Biyernes Santo, habang hinihintay nila sa Lamut, Ifugao ang paglalabas ng General Community­ Quarantine (GCQ) Guide­lines ng IATF Cordillera, sinabi ni Mayor Mariano Buyagawan Jr. na uunahan na niyang ideklara ang “nga-nga” at mga sangkap nito sa pag­nguya bilang essential goods.

TUGUEGARAO CITY,  Cagayan, Philippines — Idi­neklara sa isang bayan sa Ifugao ang “nga-nga” o “moma” na betel nut sa Ingles bilang “essential goods” na hindi dapat pigilan ng mga front­liners ang delivery nito sa masa.

Sa kanyang social media advisory noong Biyernes Santo, habang hinihintay nila sa Lamut, Ifugao ang paglalabas ng General Community­ Quarantine (GCQ) Guide­lines ng IATF Cordillera, sinabi ni Mayor Mariano Buyagawan Jr. na uunahan na niyang ideklara ang “nga-nga” at mga sangkap nito sa pag­nguya bilang essential goods.

Aniya, ito ay dahil malaking bahagi ng ma­mamayan ng Ifugao ang hindi nakakatagal na hindi nakakanguya nito na umano’y pampa-kundisyon ng kanilang pangangatawan bukod pa sa nagpapapula ng kanilang mga bibig.

Sinasabi ring depensa ng mga katutubo ang pagnguya ng nga-nga laban sa COVID-19. 

Sa isang social media post, ilang mga ma­mamayan ang nag-com­ment na magpro-protesta sila kapag hindi papayagan ng awtoridad ang malayang paggalaw ng nga-nga.

Ang nga-nga na pa­wang mas popular kaysa sa sigarilyo sa Ifugao ay nabibili rin sa mga sikat na convenience store chain sa lalawigan at maaari ring bilhin online lalo na sa Metro Manila. 

Kaugnay nito, magugunita na kabaligtaran ang nangyari sa Baguio City noong nakaraang taon matapos ipagbawal ni Mayor Benjamin Ma­galong ang pagnguya ng nga-nga sa publiko dahil nagiging banta ito sa pagkalat ng COVID-19 ang mapulang dura na iniiwan ng mga ngumu­nguya nito sa kalsada.

Show comments