MANILA, Philippines — Masusing sinisiyasat ng Philippine National Police (PNP) kung ambush o shootout ang naganap na insidente sa Calbayog City na ikinasawi ni Mayor Ronald Aquino, dalawang police escorts nito at dalawa pang katao nang kanilang makaengkuwentro ang mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at Drug Enforcement Unit (DEU) noong Lunes ng hapon sa nasabing lungsod.
Dead-on-the-spot si Aquino, S/Sgt. Rodeo Balonzo, S/Sgt. Romeo Laoyon, at Dennis Abayon, driver ng alkalde habang nasawi nang mahagip ng ligaw na bala ang sibilyang si John Paul Yauder, isang government employee.
Sugatan naman sa insidente sina S/Sgt. Neil Cebu at Mansfield Labonite, aide ni Aquino.
Nabatid na lulan umano si Laoyon ng sasakyang nakasunod sa behikulo ni Aquino. Kasama naman ng alkalde sa sasakyan sina Balonzo, Cebu, at Labonite habang sinasabing napadaan lamang si Yauder nang tamaan ng bala at namatay habang ginagamot sa St. Camillus Hospital sa Calbayog.
Ayon kay PNP chief Debold Sinas, batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Laboyao Bridge sa Lonoy Village, Calbayog City. Dumaan umano ang mga operatiba ng IMEG at DEU nang bigla na lamang sila umanong binaril ng isa sa mga security ni Aquino kaya gumanti sila ng putok.
Nauna umanong nagpaputok ang mga bodyguards ng alkalde sa mga pulis bagamat lumabas sa unang report sina Aquino ang tinambangan at pinagbabaril.
“Our police who were passing by, based on the initial findings, were shot by mayor’s escorts. They didn’t know they were the police, and the police just retaliated,” payahag ni Sinas sa isang panayam sa Teleradyo.
Inakala umano ng mga bodyguards ni Aquino na sinusundan sila ng isang sasakyan kung saan sakay naman ang mga pulis kaya nila pinaputukan ito na nagresulta sa shootout.
Gayunman, bumuo na ang PNP ng Special Investigation Task Group (SITG) na pamumunuan ni Region 8 deputy regional director for operations Col. Edwin Wagan upang imbestigahan ang kaso at malaman kung misencounter o ambush ang naganap na insidente.
Sa kanyang post sa social media, sinabi ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento na nasawi ang alkalde at mga escort nito sa “shooting incident”.
“It is my deepest regret to inform our constituents and my fellow Calbayognons, that our beloved City Mayor Ronaldo P. Aquino died because of a shooting incident,” saad sa Facebook post ng kongresista.