NORTH COTABATO, Philippines — Sinimulan na kahapon ang pagsasailalim sa tatlong araw na psycho-social intervention sa 31 na miyembro ng hinihinalang kulto na ngayo’y nasa ikaapat na araw nang nananatili sa isang pasilidad at kinakalinga ng Arakan LGU sa lalawigang ito.
Ayon kay Arakan LGU Information Officer Leonardo Reovoca, unti-unti na ring nakakalakad ang ilan sa mga miyembro na may iniindang karamdaman dulot ng matinding lamig mula sa bundok nang kanilang makuha.
Una na ring nagsagawa ng interbensiyon ang Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO sa mga ito pero kumuha ang pamahalaang lokal ng isang psychologist na siyang tututok sa emosyunal at mental na aspeto ng mga residente na pinaniniwalaang umanib sa kulto.
Isa na rito ang paniniwalang doon lamang sa kanilang sagradong lugar sila maaaring mamatay sa paniniwalang ito lang ang tanging paraan upang sila ay mailigtas.