6 SAF men nagpositibo sa virus

TUGUEGARAO CITY,  Cagayan, Philippines — Umakyat na sa bilang na 16 ang mga pulis na tinamaan ng COVID-19 sa Ifugao nitong Pebrero matapos dumagdag ang anim na kasapi ng Special Action Force (SAF) sa bayan ng Lamut kamakalawa.

Sa report ng IATF Ifugao, ang mga bagong kaso ay pawang mga nakabase sa Barangay Sanafe na asymptomatic o walang nararanasang sintomas.

Isinagawa ang mass testing sa mga kasapi ng pulisya sa Lamut matapos magpositibo ang dalawang pulis na nakatalaga sa ibang unit sa nasabing bayan noong Pebrero 5 at 11.

Ang anim na nagpositibong SAF members kabilang na ang dalawang naunang kaso ay dinala sa COVID-19 treatment facility ng Ifugao.

Naunang nagpositibo sa virus ang walong bagitong pulis na edad 23-29 na dumating sa Provincial Police Office sa kabisera ng Lagawe noong Pebrero 5.

Isinaad sa report na ang mga bagong talagang pulis ay nagmula sa Baguio City.

Show comments