SAN ESTEBAN, Ilocos Sur, Philippines — Nasawi ang kawani ng isang telephone company habang malubha ang kasama nito matapos silang makuryente habang naglalagay ng poste sa Brgy.San Nicolas, ng nasabing bayan,kamakalawa.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Candon General Hospital si Christian James Marquez 21, samantala nasa Rural Health Unit Clinic ng San Esteban si Randy dela Cruz, 37,nagpapagaling sa tinamong pinsala sa katawan.
Nabatid na inaalalayan ng dalawang biktima ang paglagay ng kongkretong poste sa gilid ng kalsada sa pamamagitan ng isang boom truck.
Dito ay aksidenteng nasagi ng naturang heavy equipment ang katabing linya ng kuryente na sanhi upang mangisay ang dalawang biktima na noon ay nakayakap sa nakakabit na posteng kanilang inilalagay.
Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang boom operator na si Jomar Cu,42, para sa kaukulang pagsisiyasat matapos ang insidente.