SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines — Sa kagustuhan ng mga kagawad ng pulisya na saklolohan ang isang motorista matapos sumemplang sa gilid ng kalsada ay hindi inaasahan na masasabat nila ang tinatayang P4.3 milyon na halaga ng 35 piraso ng marijuana bricks mula sa naaksidenteng rider sa Tabuk City, Kalinga, kamakalawa.
Ayon sa Tabuk City Police, kasalukuyan na binabagtas ng mga kagawad ng nasabing himpilan, sa pangunguna ni P/Lt. Ruben Balanoy, ang nasasakupan ng Sitio Banat, Barangay Bagumbayan nang mag-overtake sa kanilang patrol car ang isang kulay dilaw na motorsiklo na walang plaka lulan ang isang binatilyo.
Matapos umanong mag-overtake ay agad nasumemplang sa gilid ng kalsada ang rider kung kaya’t agad hinintuan ng mga pulis para tulungan ang rider. Subalit sa hindi inaasahan, napansin ng mga operatiba ang ilang mga kaduda-dudang nakabalot na dala ng driver na kalaunan ay nakumpirma na puro mga marijuana bricks.