NUEVA ECIJA , Philippines — Apat na hinihinalang tulak ng droga ang nalambat ng pulisya sa magkakahiwalay na anti-drug operations kaugnay ng wala pa ring puknat na kampanya ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa ipinagbabawal na gamot.
Sa Talavera, nadakip ng Talavera police sa ilalim ni P/Major Roderick Corpuz; Police Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU) at Regional Intelligence Division (RID) si Virgilio Galano, 40, ng Brgy. Andal Alinio matapos niyang bentahan ng droga ang narcotics operative bandang alas-3:20 ng hapon, kamakalawa.
Nasamsam sa suspek na nadiskubreng miyembro rin ng ”Beltran Gun-for-Hire Group” ang 3 plastic ng umano’y shabu at P1,000 marked money.
Sa bayan ng Licab, arestado rin ang 26-anyos na mekanikong si Jerald Biso, ng Brgy, Poblacion Norte, sa ginawang buy-bust operation ng mga operatiba ng SDEU at PPDEU matapos makabili ang police poseur buyer ng droga sa suspek, dakong alas-5:30 ng hapon sa Brgy. San Casimiro. Nakuha sa suspek ang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu at P500 marked money.
Bandang alas-9:00 naman ng gabi nang masakote pa sa Brgy. San Felipe Matanda, Aliaga sina Mylene Zuniga, 34, at Cristina Centeno, 49; kapwa ng Brgy. DS Garcia, Cabanatuan City. Apat na plastic ng umano’y shabu at P500 marked money ang nasamsam sa dalawang babaeng suspek.