Misis gustong makipaghiwalay, kinatay!

Suspek nagtangka ring mag-suicide

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Hindi na umabot sa bagong taon ang isang 22-an­yos na misis matapos katayin ng sariling mister na nagtangka ring magpakamatay matapos na gustong makipaghiwalay ng una na naganap sa kanilang tahanan sa Brgy. Gueteb, Urbiztondo, Pangasinan kamakalawa.

Kinilala ni Major Michael Datuin, hepe ng Urbiztondo Police Station ang napatay na si Irene Castro habang ginagamot sa hindi tinu­koy na ospital ang mister nitong si Melvin Castro na nahaharap sa kasong parricide.

Lumalabas na kau­uwi pa lamang ng bahay si Irene nang sitahin ng kanyang mister na kalaunan ay nauwi sa mainit nilang pagtatalo hanggang sa sabihin ng una sa asawa na kanya nang hihiwalayan.

Bunsod nito, kumuha ng itak ang suspek at walang awang pinagtataga ang misis.

Nang makita ng mister ang nakahadusay na misis ay nagsaksak siya sa sarili.

Narekober sa crime scene ang duguang itak na ginamit sa krimen.

Show comments