TUGUEGARAO CITY, Philippines — Pumalo na sa walong pulis ang tinamaan ng COVID-19 sa himpilan nila sa bayan ng Solana, Cagayan matapos magpositibo ang anim pa sa pagsusuri ng Health Authorities kahapon.
Ayon sa Provincial Health Office, ang anim ay pawang nahawa sa kanilang opisyal at alalay nito na naunang nagpositibo sa virus noong Disyembre 20. Nabatid na ang bagong anim na kaso ay mula sa 13 na police officers na isinalang sa contact tracing at Quarantine.
Gayunman,unang ipinahayag ni Lieutenant Romelyn Cabauatan, Deputy Chief of Police ng Solana, na hindi siya magpapatupad ng lockdown dahil agad namang naihiwalay ang mga nagpositibong kabaro kabilang ang isang non uniformed personnel na umano’y nahawa naman sa ama niya na taga lungsod na ito.
Ayon kay Cabauatan, nagsagawa na sila ng disinfection sa kanilang gusali habang ang mga transaksiyon sa himpilan ay isinasagawa na lamang nila sa labas upang masawata ang posibleng hawaan sa virus.