MANILA, Philippines — Naaresto na ng awtoridad ang dalawang suspek sa pagpatay sa brodkaster na si Virgilio Maganes sa Pangasinan noong nakalipas na buwan, ayon sa pinuno ng Ilocos Police Regional Office kahapon.
Kinilala ni Brig. General Rodolfo Azurin ang mga kinasuhan na ng murder na sina Noe Ducay at Romar Bustillos na positibong kinilala ng mga nakasaksi sa krimen.
Magugunita na binaril si Maganes habang naglalakad pauwi matapos bumili ng pang umagahang pandesal noong Nobyembre 10 sa Brgy. San Blas, Villasis.
Si Ducay na rumatrat kay Maganes ay natukoy sa pamamagitan ng composite computer sketch ng kanyang pagmumukha base sa paglalarawan ng mga nakasaksi at kalaunan ay ipinalabas ng Urdaneta City Crime Laboratory. Doon natukoy ang pagkatao ni Ducay na isang bayarang berdugo.
Sumunod dito ay ang isinagawang raid ng Pangasinan Police sa bahay ni Ducay na nagbunga ng kanyang pagkakadakip at pagkakasamsam ng mga armas.
Matapos mahuli si Ducay, nahulog sa kamay ng awtoridad si Bustillos na isang tricycle driver na nagsilbing “spotter” sa krimen.
Ang pagkakatukoy at pagsakote kina Ducay at Bustillos ay dulo pa lamang ng malaking tipak ng yelong nakalutang sa dagat habang sinasaliksik pa ng mga awtoridad ang mastermind o taong nag-utos na itumba si Maganes.