Obrero umawat sa dalawang nag-aaway na kapitbahay, napatay

LUCBAN,Quezon, Philippines — Naging mitsa ng kamatayan ng isang obrero ang ginawa nitong pag-awat sa dalawang nag-aaway na kapitbahay makaraang barilin siya ng isang sekyu na pinsan ng isa sa inaawat nito dito kamakalawa ng gabi sa E. Jacinto st. Barangay 4 sa bayang ito.

Idineklarang dead-on- arrival (DOA) sa MMG Hospital sa nasabing bayan si Jhergie Sugay, 28, binata dahil sa mga tama ng bala ng kalibre 38 sa kaliwang bahagi ng dibdib.

Naaresto naman ang suspek na si Mark Alvin Penamante, 36, may-asawa ng Gomburza St.Barangay 4.

Ayon sa pulisya, bandang alas-10:40 ng gabi ay inawat ng biktima ang dalawang nag-aaway na kapitbahay na ang isa rito ay bayaw ng suspek.

Minasama ng sekyu ang ginawa ng biktima at ki­nompronta ito at hindi pa nasiyahan, ay binunot ng suspek mula sa kanyang beywang ang kalibre 38 at makailang beses na pinaputukan sa dibdib ang huli.

Mabilis na tumakas ang sekyu dala ang ginamit na baril sa krimen gayunman at hindi na ito nakaporma nang malambat sa follow- up operation at ngayon ay kinasuhan na.

Show comments