Sa ginagawang car display center
LUCENA CITY, Philippines — Nagmistulang pinitpit na luya ang mga trabahador ng ginagawang display center ng isang kilalang car company na ikinasawi ng isa habang tatlo ang malubhang nasugatan matapos silang maipit ng mga nagbagsakang glass panels na kanilang idinidiskarga sa loob ng isang container van kamakalawa sa Purok Baybayin, Brgy. Ibabang Dupay ng lungsod na ito.
Sa ulat sa tanggapan ni P/Lt. Col. Romulo Albacea, chief of police dito, kinilala ang nasawi na si John Paul Salvadora, 24, taga-Valenzuela City habang ginagamot sa St. Anne General Hospital ang mga kapwa niya empleyado ng Solenko Construction Company na sina Richard Materum, 37, ng Sta. Maria, Bulacan; Rodeo Pepito Ceballos, 42, ng Samar, Leyte at Martino Laguna, 43 ng Valenzuela City.
Sa imbestigasyon, alas-2:30 ng hapon habang nasa compound ng ginagawang car display center ay iniuurong ni Erwin Canoy, 41, ng Balut, Tondo, Manila ang minamaneho nitong Isuzu trailer truck head upang ikabit ang container van. Pero lingid sa kaalaman nito ay nasa loob pa ng container van ang apat na biktima at nagdidiskarga ng mga glass panels.
Dahil sa biglang paggalaw ng container van, biglang natumba ang mga glass panels at nadaganan ang mga biktima.
Mabilis na nagtulung-tulong ang mga kasamahan ng apat na alisin sila sa pagkakadagan ng mga salamin saka sila isinugod sa ospital. Gayunman, idineklarang patay dakong alas-4:12 si Salvadora dahil sa grabeng pinsalang tinamo nito sa ulo at katawan habang ginagamot pa ang tatlo.
Nasa kustodya na ng pulisya ang driver ng trak at nahaharap sa kaukulang kaso.