TUGUEGARAO CITY, Philippines — Pinalawig pa hanggang katapusan ng Nobyembre ni Cagayan Gov. Manuel Mamba ang suspensyon ng klase sa pribado at pampublikong paaralan sa buong lalawigan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magulang na isaayos ang nasalanta nilang kabuhayan bunsod ng sunud-sunod na bagyong tumama sa lalawigan.
Ayon sa gobernador, tumatayong guro ang mga magulang dahil sa umiiral na “distance learning” bunsod ng panuntunan na “no face-to-face classes” nitong pandemya. Aniya, dapat pa sana hanggang katapusan ng taon ang nais niyang suspensyon subalit inaalala niya ang katayuan ng mga kabataang Cagayano na maiiwan sa kurikulum ng school year ng Department of Education.
Sinabi ni Mamba na dagdag pahirap sa mga magulang ang mag-asikasong gabayan ang mga mag-aaral na anak sa pagsagot ng modules kasabay ng kanilang paglilinis ng mga burak na iniwan ng nagdaang baha sa kanilang bahay.