Paghihigpit sa mga lolo at lola, ibinalik sa Baguio

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga matatanda sa Baguio City, pansamantalang ibinalik ni Mayor Benjamin Magalong ang paghihigpit sa mga lolo at lola na edad 65 pataas sa paglabas mula sa kanilang bahay na ipinatupad simula kahapon, Nobyembre 17.

Sa Executive Order No.170, maaari pa rin namang lumabas ang mga senior citizens kapag ito’y may kaugnayan sa kanilang hanapbuhay o trabaho; pagpapa-konsulta sa kalusugan o pagpapagamot at kung mayroon silang nais bilhin o matamong serbisyo habang sinasamahan ng taong hindi “high risk” o malakas ang pangangatawan.

Gayunman, nakapaloob sa ipinalabas na order ng alkalde ang pagbabawal sa mga pagtitipon ng mga matatanda na walang kaugnayan sa kanilang trabaho at kabuhayan habang umiiral ang pansamantalang res­trictions.

Hindi rin tatanggap ng walk-in clients at aktibidades ang Office of the Senior Citizens Affairs subalit isang skeleton workforce ang magpapatakbo ng tanggapan, dagdag ni Magalong.

Matatandaan na nag­luwag ang IATF sa Baguio City sa paglabas ng bahay ng mga kabataan mula 15-anyos pataas at matatanda mula edad 65 noong Oktubre 22 alinsunod sa kautusan ng pambansang IATF matapos bumagal ang kaso ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Show comments