MANILA, Philippines — Nagsasagawa ngayon ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG)-Northern Luzon katuwang ang pulisya at lokal na pamahalaan para mailigtas ang 14 na mangingisda na sakay ng lumubog na bangka sa karagatan malapit sa Infanta, Pangasinan.
Ayon kay PCG spokesman Commodore Armand Balilo, lumubog dahil sa lakas ng alon ang bangkang Aqua Princess nitong nakaraang Miyerkules pa (Oktubre 7), base na rin sa salaysay ng dalawang mangingisda na nakaligtas sa insidente.
Sinabi nina Pedro Manalo at Jery Regala na inutusan sila ng kapitan nilang si Eddie Ariño na gamitin ang kanilang “service boat” para humingi ng saklolo makaraang makaranas sila ng matinding problema sa gitna ng dagat.
Ngunit dahil sa sama ng panahon, nakarating lamang sa Infanta ang dalawa nitong Linggo ng umaga at diretsong iniulat ang nangyari sa kanila at mga kasamahan na naiwan sa bangka.