LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Hindi naging hadlang ang kahirapan sa isang job order na kawani ng Provincial Engineering’s Office para hindi pag-interesan ang nakuhang mga alahas na nagkakahalaga ng P800,000 matapos na hanapin at isaoli niya ito sa isang senior citizen na nakaiwan nito malapit sa isang lotto outlet sa Central Plaza Mall sa Brgy. Lag-on, Daet, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang itinuturing ngayong bayani at may malinis na pusong na si Ener Rojo, nasa hustong gulang, may-asawa at residente ng Brgy. lll dahil sa pagsosoli nito ng mga mamahaling alahas.
Sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang makita ni Rojo ang isang pulang plastic bag na laman ang tatlong piraso ng gintong pulseras na may mga batong brilyante, dalawang piraso ng gintong hikaw at tatlong piraso ng gintong kuwintas na nagkakahalaga lahat ng P800,000.
Sa simpleng seremonya sa Camarines Norte Provincial Police Office, binigyan ng certificate of appreciation ni Col. Marlon Tejada, provincial director si Rojo at binigyan naman siya ni Araceli Apolinario na may-ari ng mga alahas ng pabuyang P20,000 at sinabing ang ginawa ng ordinaryong kawani ay magsisilbing inspirasyon sa iba pa.