NUEVA ECIJA , Philippines — Dahil sa usok na lumalabas sa unahang bahagi ng isang trailer truck, nabisto ang nagaganap na “pot session” ng tatlong lalaki sa Brgy. Piut, Carranglan, dito noong Biyernes ng tanghali.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Jeffrey Balido, 29-anyos, may-asawa; Arvin Salvador, 28, may-asawa, drayber; kapwa ng Brgy. 911 San Antonio, Ilagan, Isabela; at Leonardo Reyes, 26, may-asawa, isa ring drayber ng Brgy. Concio, Trese Martirez, Cavite.
Ayon sa Carranglan Police, isang impormante ang nagtungo sa istasyon at nagsabing may nagaganap na shabu session ng tatlong lalaki sa loob ng isang trailer truck na nakaparada sa ilang na bahagi ng naturang barangay.
Napukaw umano ang atensiyon ng impormante habang naglalakad sa lugar kasama ang isang kaibigan sa nakitang usok na nagmumula sa truck na may plakang ABK-3206, bandang alas-12:30 ng tanghali. Una umanong pumasok sa isip nila na nasusunog ang nasabing sasakyan pero para makatiyak, agad nilang pinasok ang loob ng truck at dito nalamang walang apoy kundi tatlong lalaki ang kasalukuyang bumabatak umano ng ilegal na droga.
Sa mabilis na pagresponde ng pulisya, naabutan pa umano nila ang tatlo sa shabu session sanhi ng kanilang pagkakaaresto at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.