LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Masaklap ang sinapit ng isang mag-asawa matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig-baha habang pinipilit nilang tawirin ang ilog sa Brgy. Talin-talin, Libon ng lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Ritchell Bobis Pontanes, 37-anyos at misis na si Maricel, 35; kapwa magsasaka at residente ng Purok Dalagang Bukid, Brgy. Pantao ng nasabing bayan.
Sa ulat, dakong alas-9 ng umaga nang magpunta ng bundok ng Brgy. Talin-talin ang mag-asawa kasama ang kanilang 12-anyos na anak na si Roxanne para manguha ng kawayan at kahoy na panggatong.
Nang makaipon ng panggatong at kawayan bandang alas-5 ng hapon ay nagdesisyong umuwi na ang nasabing pamilya pero biglang bumuhos ang napakalakas na ulan kaya sumilong muna sila sa isang maliit na kubo.
Pagtila ng ulan, agad na unang itinawid ni Ritchell sa daraanang ilog ang anak na si Roxanne at binalikan ang asawa. Gayunman, habang patawid ng ilog ang mag-asawa ay biglang tumaas ang tubig dahil sa pagragasa ng tubig-baha mula sa mga kabundukan kaya mabilis na inanod palayo ang mga biktima.
Mabilis na humingi ng saklolo ang bata sa mga kamag-anak at mga residente saka hinanap ang mga magulang pero pareho nang patay ang dalawa nang matagpuan at maiahon sa tubig.