COVID-19 molecular lab binuksan sa Cagayan

SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Pormal nang binuksan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang molecular laboratory o COVID-19 testing center na nakabase sa Tuguegarao City sa Cagayan kamakalawa.

Ayon kay Dr. Glenn Matthew Baggao, hepe ng CVMC, ang pinakabagong COVID testing center na may tatlong Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) machines ay maaaring makapag-test ng 300-400 specimens kada araw.

Maliban sa mga kagamitan na pinondohan mismo ng ospital, naglaan ang Department of Health (DOH) ng karagdagang kagamitan kabilang na ang GeneXpert machine.

Bukod din sa anim na medical technologists ng CVMC na sumailalim sa special training sa Baguio General Hospital and Medical Center sa Baguio City ay pinondohan din ng DOH ang karagdagang 25 medical technologists, walong laboratory technicians at 10 administrative assistants na magpapatakbo sa testing  laboratory.

Sinabi ni Cagayan Gov. Manuel Mamba, ang pagbubukas ng CVMC COVID-19 testing center ay hindi lang para sa mga taga-Caga­yan kundi sa buong rehiyon kabilang na ang ilang lalawigan ng Cordillera na katabi lamang ng Caga­yan, Aniya, mapapadali na ang isasagawang contact tracing para maagang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Show comments