MANILA, Philippines — Dalawang miyembro ng kidnap-for-ransom group (KFR) ang bumulagta nang manlaban sa mga elemento ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa isinagawang operation sa San Mateo, Rizal.
Nakilala ng mga awtoridad ang isa sa napatay na suspek na si Nathaniel James Recto alias “Ton-Ton” ng San Mateo, Rizal habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kasama nito na miyembro ng “Cutad KFRG”.
Ayon kay B/Gen Jonnel Estomo, director ng PNP-AKG, alas-11:45 ng gabi nang makaengkwentro ng mga elemento ng AKG sa pamumuno ni Col. Edward Cutiyog ang mga suspek sa Brgy. Gulod, Malaya, San Mateo Rizal.
Nakatunog umano ang mga suspek habang sinusundan sila ng mga pulis para isilbi ang tatlong warrant of arrest laban kay Recto na ipinalabas ni Hon. Josephine Zarate-Fernandez, Presiding judge ng RTC Branch 76, San Mateo, Rizal sa mga kasong paglabag sa RA 10591 in relation to RA 8369 at RA 9344, Sec 261 ng Omnibus Election Code in relation to Sec 32 ng RA 7166 at Comelec Resolution No. 10446 in relation to RA 8369 at RA 9344 at grave coercion. Mabilis na humarurot ang dalawa sanhi ng habulan at engkuwentro na ikinasawi ng mga suspek.
Ang Cutad KFRG ang responsable sa pagkidnap umano sa isang Mareanne Dela Rosa sa Biñan Laguna noong Marso 27,2013.
Narekober sa lugar ang isang cal. 45 pistol, isang cal. 38 revolver, ilang plastic sachet ng shabu at isang Honda beat motorcycle na walang plaka.