SOUTH COTABATO, Philippines — Nagsasagawa na ng contact tracing ang local government sa mga dumalo sa kasal at sa mga nakasalamuha ng isang 31-anyos na babaeng overseas Filipino worker (OFW) na positive sa COVID-19 na umuwi sa kanilang lugar sa Barangay Lamba, Banga at nagpakasal pa.
Ayon kay Banga Mayor Albert Palencia, sasampahan nila ng reklamo ang nasabing OFW, makaraang hindi nito tinapos ang kanyang 14-day home quarantine at nagpakasal pa umano noong July 8 matapos umuwi galing Kuwait at nakumpirmang nagpositibo sa COVID-19.
Para mapigilan ng pagkalat ng COVID-19 isinailalim sa limang araw na lockdown ang LGU ang buong Sitio ng Awal.
Sinabi ni Palencia na sa ngayon dalawampu’t anim pa lamang sa mga nakasalamuha ng COVID-19 patient ang na-trace ng mga health personnel ng Banga-LGU.
Umapela naman si Palencia sa mga mamamayan ng Banga na huwag mabahala dahil sa ngayon ay nasa isolation facility na ang OFW kasama ang kanyang mister at anak.
Kaugnay nito, sinabi naman ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na dapat mabigyan ng leksyon ang mga mamamayan na lumabag sa COVID-19 protocol.