Mister dinos-por-dos ni ‘bayaw’, utas

Sa pagtatanggol sa kapatid

MANILA, Philippines — Dahil sa pagtatanggol sa dangal ng kapatid na babae na inakusahang nakikipag-sex sa ibang lalaki, isang mister ang nasawi nang idos-por-dos ng kanyang “hilaw na bayaw” sa Brgy, Cabadiangan, Kadingilan, Bukidnon nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktima na si Victoriano Candol, 43-anyos, nagtamo ng internal hemorrhage sa kanyang ulo bunga ng pagpukpok ng matigas na kahoy sa ulo ng “bayaw” nito na live-in partner ng kanyang kapatid na babae.

Nahaharap naman sa kasong homicide ang suspek na si Rolin Uhay.

Sa testimonya ni Rosalie Candol, 36-anyos, misis ni Victoriano, alas-8:30 ng gabi habang nasa loob siya ng kanilang bahay nang magulantang sa malakas na sigaw ni Rosefe Candol, 30-anyos, kapatid ng nasabing biktima na humihingi ng saklolo.

Napasugod si Rosalie at dito’y nakitang nakabulagta na ang asawang si Victoriano at duguan ang ulo kaya agad nilang isinugod sa Kibawe Bukidnon Provincial Hospital pero inilipat sa Maramag Bukidnon Provincial Hospital kung saan siya idineklarang dead-on-arrival.

Sa pahayag ni Ro­sefe, live-in partner ng suspek na si Rolin, nag-away silang dalawa matapos siyang akusahan ng huli na masamang babae dahil na­nga­ngaliwa diumano at nakikipag-sex sa ibang lalaki. Umawat naman si Victoriano at pinayuhan si Uhay na pag-usapan ang problemang pampamilya kung saan ipinagtanggol nito ang kapatid na babae laban sa maling paratang ng hilaw na bayaw. Gayunman, habang nakatalikod si Victoriano at papaalis na sa bahay ng kapatid ay bigla na lamang siyang pinaghahataw ng matigas na kahoy sa ulo ng suspek saka tu­makas.

Show comments