Dinukot na car agent, inutas habang nakaposas

Sa ulat, pasado alas-6 ng umaga nang makatang­gap ng tawag ang Novele­ta Police na may natagpuang nangangamoy na bangkay ng tao sa bahagi ng Coastal Bay Subdivision sa Barangay San Ra­fael 4, Noveleta, Cavite.
STAR/File

2 killer timbog

CAVITE, Philippines — Patay na nang matagpuan kahapon at halos hindi na makilala ang  buy and sell car agent na dinukot ng dalawang suspek sa Imus City noong Enero 21 ng tanghali tangay pati ang SUV na ibinebenta ng biktima.

Sa ulat, pasado alas-6 ng umaga nang makatang­gap ng tawag ang Novele­ta Police na may natagpuang nangangamoy na bangkay ng tao sa bahagi ng Coastal Bay Subdivision sa Barangay San Ra­fael 4, Noveleta, Cavite.

Nang respondehan ng pulisya at SOCO operatives, nakumpirmang bangkay ito ng isang lalaki na nakaposas ang mga kamay, nakapiring ang mga mata at may tatlong tama ng bala sa katawan na nagsisimula nang maagnas.

Positibo namang kinilala ng kanyang pamilya na nagpunta sa crime scene ang bangkay na si Manuel Tolentino. Kinumpirma ng anak na lalaki ng biktima na tatay nga niya ang bangkay na natagpuan. Nakilala niya ang mga suot na damit, belt bag at maging ang tsinelas ng ama na minsan pa raw naipahiram sa kanya ng kanyang tatay.

Ang pagkawala ng biktima ay nai-post pa sa social media kasunod ng pagsama ng una sa dalawang suspek na nagpakilalang mga CIDG agents na nagkunwaring bibili ng sasakyan noong Ene­ro 21. Nag-road test umano ang tatlo dala ang SUV na Toyota Hilux na sinasabing bibilhin ng dalawang suspek pero tinangay ang biktima at mula noon ay bigo nang makabalik sa kanyang pamilya ang biktima.

Nabatid na nitong Enero 22 ay natunton ng mga ope­ratiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Cavite ang nakaw na SUV at natukoy ng mga awtoridad ang dalawang suspek na sina Mahdie Manhotara alyas “Justine” at Edgardo Del Rosario na umamin umanong binaril nila ang biktima habang nakaposas at nakapiring ang mga mata bago ina­bandona sa nasabing lugar kung saan natagpuan ang bangkay nito.

Nahaharap sa patung-patong na kasong murder, carnapping at usurpation of authority ang dalawang suspek.

Show comments