NORTH COTABATO , Philippines — Kasabay ng pagsisimula ng bagong taon ay ang pagbabagong buhay rin ng limang miyembro ng lawless armed group matapos silang sumuko sa tropa ng 7th Infantry Battalion at 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Camp Lucero, Brgy. Nasapian, Carmen, lalawigang ito nitong Biyernes.
Sabay ring isinuko ng lima sa militar ang kanilang dalang M16 armalite rifle, isang locally made shotgun, at isang rocket propelled grenade o RPG.
Ayon kay 602nd-IB Commander Brig. Gen. Roberto Capulong, nanguna sa pagsuko ang lider ng grupo na si Kumander “Kinis Biya” at akay ang mga tauhan nito na sina Target Mulao, Allan Caballero, Bansil Mantikayan, at Nastro Timan na kapwa taga-Pagalungan, Maguindanao.
Dagdag ng opisyal, ang pagsuko ng nasabing grupo ay isang malaking development sa hanay ng militar sa pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan habang napigilan din ang pagsapi ng lima sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).