MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang bagitong pulis dahil sa umano’y pagwawala at pananakot habang lasing sa Brgy. San Antonio, Sto. Tomas City, Batangas kamakalawa.
Sa ulat ni Batangas Police Provincial Police Office (PPO) Director P/Colonel Edwin Quilates, kinilala ang pasaway na parak na si Patrolman Paul Arvin Valerio.
Bandang ala-1 ng madaling araw, nang umano’y magwala si Valerio na nasa impluwensya ng alak sa nasabing lugar.
Si Valerio ay inireklamo ng isang Kristine Iglesia na umano’y isa sa hinarass ng una at pinagbantaan pa umanong papatayin.
“Pag nakuha ko ang baril ko papatayin ko kayo,” banta umano ng nagwawalang parak kay Iglesia at sa iba pa nilang mga ka-barangay.
Nagawa namang makatakbo ni Iglesia sa ma-tinding takot na nagsuplong sa mga opisyal ng barangay.
Nagresponde agad ang mga tanod at dinakip ang nasabing parak saka dinala sa himpilan ng pulisya.
Bukod sa kasong administratibo, nahaharap sa kasong alarm and scandal at grave threat ang nasakoteng rookie cop.