CALAMBA, Philippines — Humantong sa duwelo ang banggaan ng motorsiklo ng isang aktibong tinyente ng Philippine National Police (PNP) at isang retiradong pulis matapos silang magbarilan na ikinasawi ng una habang kritikal ang huli sa highway ng Brgy. Mayapa, Calamba City, Laguna kamakalawa.
Kinilala ni Laguna Provincial Police Office (PPO) director P/Col. Eleazar Matta ang nasawing opisyal na si P/Lt. Ramil Gonzales na nagsasanay sa Officers Basic Course (OBC) sa National Police Training Institute (NPTI) sa Camp Vicente Lim, Calamba City. Siya ay idineklarang dead-on-arrival sa Global Care Hospital matapos mapuruhan ng mga tama ng bala sa katawan.
Nasa kritikal namang kondisyon ang nakabarilan nito na si Jujardin Velasco, isang retiradong pulis na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib at isa sa kaliwang balikat.
Sa ulat, alas-8:30 ng gabi, ilang minuto matapos na lumabas ng kampo si Gonzales nang maka-engkuwentro nito sa daan si Velasco.
Base sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang nagsalpukan sina Gonzales at Velasco kung saan kapwa bumagsak mula sa sinasakyang motorsiklo.
Nagawa nilang bumangon pareho pero kapwa bumunot ng baril saka nagbarilan sa gitna ng kalsada na nasaksihan ng isang Richard Pineda na nagkataong nasa bisinidad.