Legazpi City, Albay, Philippines – Daan-daang mga residente rito ang lumikas matapos ipinatupad na mula kahapon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Albay ang mandatory evacuation sa lahat ng mga residente na delikado sa pagtama ng bagyong “Tisoy” sa lahat ng lugar sa lalawigang ito.
Dakong ala-1:00 ng hapon kahapon inatasan ni Gov. Al Francis Bichara, hepe ng PDRRMC, ang provincial engineering office at provincial social worker and development office na magpatupad na ng mandatory evacuation sa lahat ng mga residente na namemeligro sa daluyong, landslide, flashfloods, baha at lahar lalo na sa mga bayan sa paligid ng bulkang Mayon at sa mga lugar na malapit sa baybayin.
Inatasan rin ni Bichara ang lahat ng mga mayors na pangunahan na ang paglilikas patungong mga barangay hall at mga eskuwelahan at dapat alas-12 ng tanghali ngayong araw ay nasa loob na ng mga evacuation center ang lahat para wala nang sinumang ililikas sa panahong malakas na ang hagupit ng bagyo.
Agad namang tumugon at tumulong lalo na ang mga trak ng sandatahang lakas sa paghakot ng mga residente kung saan karamihan ng mga nakatira lalo na sa paligid ng Mt. Mayon ang boluntaryo nang lumikas.