NORTH COTABATO, Philippines — Hindi na puwedeng makabalik sa kanilang mga bahay ang nasa 2,126 na mga pamilya matapos na ideneklarang ‘No Build Zone’ ang apat na mga barangay sa bayan ng Makilala, North Cotabato.
Ito, ayon kay Municipal Administrator Sheryl Orbita, ay matapos ang ginawang pagsisiyasat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismolgy at ng Mines and Geosciences Bureau na nagsaad na bawal nang tirhan ang mga barangay na Bato, Cabilao, Luayon at Buhay habang hindi rin puwedeng tirhan ang Purok 10 ng barangay Malabuan, Purok Malaang ng Poblacion, Purok 2 at 7 ng Malungon at Purok 1 at 2 ng Sto. Niño.
Ito ay dahil mapanganib nang tirhan ang mga ito dahil sa posibleng pagguho ng lupa at posibleng matabunan ang komunidad.
Sinabi ni Orbita sa Pilipino Star Ngayon/Pang Masa na pinoproseso na ng pamahalaan sa ngayon ang lupa na siyang magiging relocation site ng mga residente na mula sa apat na mga barangay ng nasabing bayan.
Kinakailangan pa anyang ipasuri ang lupa sa Mines and Geoscience Bureau at sa Philvocs kung ligtas na pagtayuan ng bahay.