Karambola ng sasakyan: 3 dedo, 18 sugatan

Ayon kay P/Capt. Woody Sabdani, hepe ng Maco Police, patay agad sa insidente ang drayber ng multicab na si Alberto Cambal at dalawang pasahero nito na sina Bern Gestapa at Zaida Rongoc.
File

MANILA,Philippines — Tatlo katao ang nasawi habang 18 iba pa ang nasu­gatan matapos na magka­rambola ang tatlong sasak­yan sa Brgy. Hijo, Maco, Com­postela Valley kamakalawa.

Ayon kay P/Capt. Woody Sabdani, hepe ng Maco Police, patay agad sa insidente ang drayber ng multicab na si Alberto Cambal at dalawang pasahero nito na sina Bern Gestapa at Zaida Rongoc.

Batay sa ulat, alas-8:00 ng umaga nang magkabanggaan ang tatlong sasakyan na kinabibilangan ng Navarra Nissan pickup na minamaneho ni Robert Paul Molina, 29 anyos, residente ng Tagum; isang kulay puting Toyota Innova (LAC 5920) na minamaneho ni Paulino Camay at kulay berdeng Suzuki multicab (LWP 759) na minamaneho ni Cambal, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. San Roque, Maco.

Nabatid na habang binabagtas ng pickup at Innova ang nasabing daan mula sa Tagum City patungo sa munisipyo ng Mabini nang mawalan ng kontrol ang drayber ng pickup dahilan para mabangga nito ang Innova na tuluy-tuloy na sumalpok naman ang huli sa isang multicab na ikinamatay ng tatlo katao at ikinasugat ng 18 iba pa.

Mabilis na isinugod sa Davao Regional Medical Center ang mga sugatan habang nasa kustodya na ng pulisya ang drayber ng pickup na nahaharap sa patung-patong na kaso.

Show comments