P1 milyon reward vs kidnaper ng Briton, misis na Pinay

MANILA, Philippines — Nag-alok na kahapon ng P1 milyon ang Zamboanga del Sur provincial government sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng negosyanteng Briton at misis na Pinay na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa mismong beach resort ng mag-asawa sa Tukuran, Zamboanga del Sur.

 Ayon kay Zamboanga del Sur Governor Victor Yu, tatanggap ng nasabing halaga bilang reward mo-ney ang sinumang makakapagbigay ng impormasyon para sa pagsagip sa mag-asawang sina Allan Arthur at Wilma Hyrons.

Kaugnay nito, bumuo na ng Joint Task Force Hyrons ang Western Mindanao Command (Westmincom) na siyang tututok sa paghahanap sa mag-asawang Hyrons na kinidnap noong Biyernes ng gabi sa kanilang pag-aaring Hyrons Beach Resort sa Tukuran.

Sinabi ni Major Arvin Encinas, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines  (AFP)-Westmincom, agad na nagtatag si Lt. General Cirilito Sobejana ng Task Force Hyrons na pamumunuan ni Major General Roberto Ancan, First Infantry Division commander na siyang tututok para maghanap sa mag-asawa.

Patuloy ang koordinasyon ng AFP sa PNP at iba pang counterparts para makuha ang eksaktong lokasyon ng pinagdalhan ng mga suspek sa mag-asawang Hyrons.

Bukod sa Abu Sayyaf Group (ASG), tinitingnan ng Westmincon ang iba pang lawless elements na maaaring gumawa ng pagdukot sa mag-asawa at tiniyak na hindi pa nakakalabas ng Zamboanga del Sur ang mga suspek gayundin ang mga kinidnap na biktima.

 

Show comments