MANILA, Philippines – Patay ang isang Nigerian na lider umano ng isang international online scam syndicate at Budol-Budol gang habang naaresto naman ang dalawa nitong Pinoy na tauhan sa isinagawang operasyon ng mga pulis sa Brgy. Habay, Bacoor, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Ang napatay na suspek ay si Harrison Ohorayke, nasa hustong gulang, residente ng naturang lugar.
Arestado naman ang dalawang Filipino na tauhan ni Ohorayke na sina Edward Godeloson at isang itinago sa pangalang “Laura”
Sa ulat, isang search warrant operation ang ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Cavite Police sa bahay na tinutuluyan ni Ohorayke.
Pagdating ng mga otoridad sa bahay ng suspek ay dito inabutan na nasa ibaba ang dalawang tauhan at nang akyatin ang ikalawang palapag ay sinalubong naman ng sunud-sunod na putok ang mga pulis na agad namang nakaganti na nagresulta sa pagkamatay ni Ohorayke.
Ayon sa pulisya, ang napatay na suspek ay lider ng isang international online scam syndicate at nangha-hack ng mga ATM. Responsible rin ito Budol-Budol schemes hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa rin.