CAVITE, Philippines — Isang preso ang nakapuga matapos na tumalon sa may 15 metrong taas ng bakod mula sa may ikatlong palapag ng gusali na sinamantala nito ang katatapos lang nilang pagpapainit at paglalaro ng basketball sa compound ng piitan kahapon ng umaga sa Dasmariñas City.
Posibleng sugatan ang nakatakas na preso hinggil sa may mga dugo ang lugar na kinabagsakan nito na nakilalang si Ernesto Gomez Montano, 31, at may kaso sa droga (RA 9165) at residente ng Armstrong Brgy. Salawag ng lunsod na ito.
Sa panayam ng PSN, nabatid na alas-9:20 ng umaga nang tumakas ang suspek.
Nauna rito, alas-8:00 ng umaga nang ilabas ang mga preso upang magpaaraw at maglaro ng basketball na nasa ikatlong palapag ng kulungang gusali ng BJMP na napapaligiran ng mataas na bakod.
Bandang alas-9:20 ng umaga nang mag-signal na ang mga bantay dahil tapos na ang pagpapaaraw at kailangan nang bumalik ang mga preso sa kulungan.
Pumila ang mga preso kabilang si Montano pero nang magsimulang lumakad papasok ay dito na mabilis na tumakbo ang huli at tumalon mula sa 3rd floor basketbal court at bumagsak ito sa mga tent at opisina na katabi ng kulungan.
Kahit na sugatan at duguan, mabilis na nagtatakbo patakas ang suspek na agad hinabol ng mga pulis pero hindi na inabutan.