3 holdaper timbog sa Bulacan

Nasa larawan ang tatlong sinasabing kilabot na holdaper na responsable sa serye ng panghoholdap sa Bulacan matapos masakote ng mga otoridad nang makorner makaraan tangkaing takasan ang isang checkpoint sa Brgy. Wakas, sa bayan ng Balagtas, kahapon.

BALAGTAS, Bulacan , Philippines  —  Bumagsak sa kamay ng batas ang tatlong sinasabing kilabot na holdaper na responsable sa serye ng holdapan sa mga kliyente ng bangko na kanilang binibiktma pagkatapos mag-withdraw ng malalaking halaga ng pera matapos makorner ng mga otoridad sa Brgy. Wawa sa Balagtas, Bulacan, kahapon.

Kinilala ang tatlong nasakoteng suspek na sina Marlon Matignas, 55, ng Brgy. Loma de Gato, sa bayan ng Marilao; Jordan Carmarco, 44 ng Meycauayan, at Gofrey Asahar, 40 ng Quezon City.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 2:30 kahapon nang harangin ng mga pulis sa isang checkpoint sa Brgy. Wakas ang isang itim na Hyundai Tucson na may plakang ZMZ 801, subalit sa halip na huminto ito ay sinagasaan nito ang checkpoint at doon na nagkaroon ng habulan hanggang sa makorner ang mga ito sa bayan ng Balagtas.

Doon na nadiskubre ng mga otoridad na ang kanilang nasakote ay mga notoryus na holdaper na manghoholdap sana sa isang kliyente ng kilalang bangko.

Nabatid na apat na beses na umanong nakulong ang mga suspek dahil sa kasong panghoholdap na ang huli nga nilang naging biktima ay isang dating bise alkalde ng Angeles, Pampanga.

Narekober ng mga otoridad sa mga suspek ang anim na ‘di pa matukoy na kalibre ng baril, isang grenade launcher, apat na cellphone at tatlong piraso ng transparent heat plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Show comments