CAVITE, MANILA, Philippines — Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pangunahing suspek sa pagpatay at panggagahasa sa isang 5-taong gulang na batang babae sa Naic matapos na sumuko sa isa sa mga Tulfo brothers kamakalawa ng hapon.
Matapos ang may ilang araw na pagtatago sa batas, lumutang at sumuko ang 16-anyos na binatilyong suspek na sinamahan ng kanyang ate, ina at pamilya sa tanggapan ng broadcast journalist na si Ben Tulfo ng “Kilos Pronto” dakong alas-4:30 ng hapon.
Sa pahayag ng ate ng suspek, takot umano ang namayani sa kanyang kapatid at kanilang pamilya kung sa pulis sila susuko kaya kay Tulfo dumiretso.
Matatandaan na natagpuang patay sa ikalawang palapag ng isang bakanteng bahay sa isang subdivision sa Brgy. Sabang, Naic ang biktimang si Chrizel Ann Alburo, isang kindergarten habang nakasilid ito sa isang plastic bag at walang saplot pang-ibaba.
Unang inamin ng suspek sa kanyang pamilya na napatay niya ang bata sa pamamagitan ng pagsakal subalit mariin niyang itinanggi ang panggagahasa rito. Aniya, may ibang kalalakihan na pumasok sa nasabing bahay kung saan niya iniwang patay ang biktima at sila marahil umano ang gumahasa sa bata.
Sinabi pa ng suspek na matapos niyang isagawa ang krimen, nagtago na siya sa isang lugar sa Bataan at dito nagpatulong sa kanyang pamilya na sumuko.