MANILA, Philippines — Ilang araw bago magsimula ang local election campaign, ang tinatawag na “United Opposition” sa probinsya ng Romblon ay idineklara ang kanilang buong-buo na pagsuporta sa kandidatong si Governor Eduardo Firmalo, na tumatakbo sa pagka-kongresista sa Mayo.
Ayon sa grupong pinamumunuan ng dating gobernador na si Natalio Beltran III, kailangan si Firmalo sa House of Representatives upang pangalagaan ang kapakanan ng mga Romblomanons na napabayaan sa loob ng dalawang dekada.
Ang pagsuporta kay Firmalo ay suportado rin ng dating bise gobernador na si Mel Madrid, dating mayora ng LOOC Juliet Fiel, dating Alcantara town Mayor Ramon Galicia, dating Cajidiocan Mayor Festo Galang, Jr., dating provincial Board Member Atty. Jun Irao at iba pang dating kakandidatong alkalde at konsehal sa iba’t ibang lugar sa ilalim ng Liberal Party.
Inindorso rin ng opposition ang grupo ni Firmalo na si dating Calatrava Mayor Bong Fabella bilang gobernador at ang kasalukuyang nakaupong Board Member Dongdong Ylagan bilang bise gobernador.
Si Firmalo na nasa huling termino bilang provincial chief executive ay tumatakbo laban kay dating Rep. Eleandro Jesus Madrona na kasalukuyang nahaharap sa graft charges sa Sandiganbayan dahil umano sa pagkakasangkot sa fertilizer scam.