MANILA, Philippines — Mahigit 100 residente ng Brgy Lucap, Alaminos City, Pangasinan ang pumalag matapos na ilegal umanong tabunan ng lupa ang kanilang dalampasigan at tayuan ng mga commercial establishments na pag-aari umano ng kanilang mayor at mga alipores nito.
Nagsampa ng reklamo laban kay Alaminos City Mayor Arthur Celeste ang may 138 na mangingisda sa naturang lungsod, sa mga tanggapan nina Pangulong Rodrigo Duterte; DENR Sec. Roy Cimatu at DILG Usec. Martin Diño dahil sa labis umanong naapektuhan ng reklamasyon ang kanilang kabuhayan. Hindi na makadaong umano sa dalampasigan ang kanilang mga bangka para maghatid ng mga turista sa Hundred Islands.
Ang bagong restaurant umanong itinayo roon ay pag-aari ni Brian Celeste, anak ng kanilang mayor. Gayundin ang isa pang cafe na itinayo ay pag-aari naman umano ni Bani mayor Gwen Yamamoto.
“Bakit inapakan ni Mayor Celeste ang aming mga karapatan, pinalayas nila ang mga tindera at bangka sa dalampasigan, tinabunan, para lamang sa kapakanan ng pamilya Celeste at mga alipores nila?” pahayag ng mga residente na lumagda sa reklamo.