PANGASINAN , Philippines — Nahaharap sa kasong katiwalian si Alaminos City Mayor Arthur Celeste dahil sa umano’y overpriced na mga waiting sheds at inimpluwensiyahan umano nito ang kontrata para paboran ang isang construction company na pag-aari ng kanyang pamilya.
Sa reklamong inihain ng grupong Concerned Citizens of Alaminos City (CCAC) sa Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) at Department of Interior and Local Government (DILG), ang mga konkretong waiting shed na itinatayo sa iba’t ibang lugar sa Alaminos ay nagkakahalaga umano ng P543,489.49 bawat isa.
Ayon sa CCAC, inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Alaminos ang P9.3 milyong budget allocation ng nasabing proyekto mula sa 20% City Development Fund.
Ang JASA Builders Inc. na contractor ng proyekto ay sinasabing pag-aari ni Celeste at ng mga kapatid nitong sina Jesus, Sam, at Arnold.
Sa sulat kay PAGC Commissioner Greco Belgica, hiniling ng CCAC na imbestigahan ang umano’y maanomalyang proyekto.
Anila, malinaw na nagpapakita ito ng “conflict of interest” laban kay Celeste at isang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa ilalim ng nasabing batas, ipinagbabawal ang pagbibigay ng kontrata sa mga negosyong pagmamay-ari ng sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno.
Ikinumpara pa ng CCAC ang mga waiting sheds sa housing projects para sa mga nagbalik-loob na rebelde sa Mindanao. Ang bawat isang bahay para sa mga rebelde ay nagkakahalaga lamang ng P320,000 kasama na ang koneksyon ng tubig at solar lights habang ang waiting shed ni Celeste ay mahigit kalahating milyong piso.
Si Celeste ay tumatakbo sa pagka-gobernador ng Pangasinan na kalaban ni incumbent Gov. Amado “Pogi” Espino.