MANILA, Philippines — Napaslang ang dalawang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) habang dalawa pa ang sugatan matapos ang magkahiwalay na engkuwentro sa pagitan ng militar kahapon.
Sa ulat na tinanggap ni PNP-CIDG Acting Director P/Chief Supt. Amador Corpus, kinilala ang unang napatay na si Alex Habbibondin alyas Amah Alez.
Bandang alas-4:30 ng madaling araw, isinagawa ang manhunt counter terrorism operation ng CIDG-Regional Force Unit 9 –Sulu, Marine Battalion Landing Team (MBLT) 1, Special Action Force at Sulu Police sa Sitio Barrio Militar, Jolo laban sa suspek na may warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ni Judge Betlee Ian Barraquias ng Branch 3, Jolo Regional Trial Court (RTC).
Sa halip na sumuko, nakipagpalitan umano ng putok ang nasabing bandido sa tropa ng gobyerno na siya nitong ikinamatay. Narekober sa lugar ang isang cal. 357 magnum ng napaslang.
Ayon naman kay Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, kumander ng 11th ID, nakasagupa rin ng 41st-IB ang hindi bababa sa 20 Abu Sayyaf sa ilalim ng grupo ni Idang Susukan sa Brgy. Saying Susuk, Maimbung, Sulu.
Tumimbuwang sa 20 minutong bakbakan ang isang ‘di kilalang ASG member habang isa sa mga kasamahan nito na nasugatan at nadakip ay nakilalang si Murtasil Paradjil alyas “Muster Ibla”. Nasamsam sa lugar ang tatlong M14 rifles, isang M16 rifle, isang bandolier ng magazine para sa M14 at mga bala.