MANILA, Philippines — Patay ang isang AWOL na bagitong pulis na isinasangkot sa pagre-recycle ng illegal drugs o tinawag na “Ninja cop” matapos umanong kumasa sa buy-bust operation ng mga awtoridad na nauwi sa shootout sa Brgy. San Vicente, Biñan City, Laguna nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Eleazar Matta ang nasawing parak na si PO1 Anthony Bautista, 38, ng # 340 Brgy. San Vicente, Biñan City ng lalawigan.
Bandang alas-2:45 ng hapon, ayon kay Matta nang mangyari ang shootout sa pagitan ng kanilang mga operatiba at ni Bautista sa nasabing lugar.
Sinabi ni Matta na nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad laban sa suspek kaugnay ng napaulat na pagtutulak nito ng droga sa lugar pero sa halip na sumuko ay bumunot ng kanyang cal. 38 revolver at pinaputukan ang arresting team. Agad namang gumanti ang anti-drug operatives na nauwi sa maikling palitan ng putok na ikinasawi ng kabarong parak.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu, P2,000.00 cash at cal 38 revolver.
“The said AWOL PNP personnel is involved in selling illegal drugs (shabu) in area of Brgy. Canlalay, Biñan, Laguna and some areas of San Pedro, Laguna. He allegedly disposes 100 grams to 500 grams of shabu,” anang opisyal.
Nabatid pa na ang suspek ay dating nakatalaga sa Biñan City Police pero inilipat sa Pangil noong 2016 kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa recycling ng illegal na droga.