LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Nalasog ang katawan ng isang rider habang kritikal ang kanyang angkas matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa poste ng kuryente sa Purok-3, Brgy. Burabod, Daet, Camarines Norte kamakalawa ng gabi. Kapwa isinugod ng mga residente sa Camarines Norte Provincial Hospital ang mga biktima pero dineklarang patay ang rider na si John Edward Esquillo, 29, ng Brgy. Bactas, Basud habang agad inilipat sa Bicol Medical Center sa Naga City ang angkas na si Jeffrey Porciuncula, 23, dahil sa kritikal na kondisyon.
Sa ulat, dakong alas-11 ng gabi, galing sa Bagasbas Road at patungong Daet ang mga biktima pero dahil sa mabilis na pagpapatakbo ng motorsiklo ay nawalan ng kontrol sa manibela si Esquillo at bumangga sa poste ng kuryente. Sa lakas ng bangga, parehong tumilapon ang mga biktima at humampas ang kanilang katawan sa sementadong kalsada na ikinasawi ng driver.