KIDAPAWAN CITY , Philippines — Arestado ang tatlo katao matapos silang masabat habang ibinabiyahe ang isang milyong halaga ng ipinuslit na mga sigarilyo sa ikinasang checkpoint operation ng Criminal Investigation and Detection Group-ARMM at Regional Mobile Force Battalion-14, Biyernes ng umaga sa Brgy. Tapayan. Sultan Mastura, Maguindanao.
Kinilala ni CIDG ARMM-Provincial Field Unit Commander, Chief Inspector Esmael Madin ang mga suspect na sina Abdulkader Laguiab, Salman Tautin, Adam Guiamalodin.
Ayon kay Madin, Huwebes ng gabi nang makatanggap sila ng intelligence report na mayroon umanong iluluwas na mga smuggled cigarettes mula Pagadian City at patungo sana sa Cotabato City. Dahil dito, agad nitong inalarma ang lahat ng mga detachment ng sundalo at pulis sa Lanao-Cotabato National Road.
Sinabi ni Madin, alas-5:40 ng umaga nang maharang nila ang isang kulay puting Mazda dropside truck (120110 MV) na minamaneho ni Abdulkader Laguiab sa may detachment ng 1st Regional Mobile Force Company sa nasabing lugar. Nang kanilang inspeksyunin, tumambad ang 50 kahon ng mga iba’t ibang sigarilyo na tinatayang nasa P1 milyong halaga at ilang sako ng dried fish.