9 bulagta sa drug ops sa Cebu

Ayon kay Supt. Reymar Tolentin, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 7, dakong alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-12:00 ng tanghali nang magsagawa ng serye ng operasyon ang mga pulis.
Freeman Photo

MANILA, Philippines — Bulagta ang siyam na itinuturong notoryus na tulak ng shabu sa inilunsad na One Time Big Time (OTBT) anti-criminality at anti-drug operations ng mga operatiba ng pulisya sa Cebu City at iba pang bahagi ng lalawigan, nitong Huwebes.

Ayon kay Supt. Reymar Tolentin, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 7, dakong alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-12:00 ng tanghali nang magsagawa ng serye ng operasyon ang mga pulis.

Sa Brgy. Tangke, Talisay City, limang suspek ang tumumba habang dalawa naman ang napatay sa Brgy. Bangkal, Lapu-Lapu City. Ang napatay na mga suspek sa lungsod ng Lapu-Lapu ay sangkot din umano sa robbery-holdup.

Kinilala ang limang suspek na nasawi sa shootout sa Brgy. Tangke, Talisay City na sina Sherwin Daguson, Wayne Bongga, Jate Bongga, Cresencio Rapanan at Weaven Vinculado.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang napaslang sa Lapu-Lapu City.

Samantalang sa  lungsod ng Cebu, dalawang ‘di pa natutukoy na drug suspects mula sa Brgy. Tejero at Brgy. Ermita ang napaslang nang kumasa sa mga otoridad.

Inihayag ng opisyal na ang serye ng OTBT operations ay base sa 82 search warrants na inisyu ng korte na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng 72 mga armas, 950 sachets ng shabu  habang nasa 103 drug personalities ang nasakote.

Show comments