Pumatay sa 2 parak…
MANILA, Philippines — Matapos ang mahigit 7-buwang pagtatago sa batas, nasakote na ng mga elemento ng pulisya ang isa sa apat na lalaki na umano’y responsable sa pambobomba sa piyesta ng La Paz sa Abra noong Enero 25, taong ito na kumitil sa buhay ng dalawang pulis habang 24 pang katao ang nasugatan kabilang ang isang kongresista at misis nito.
Sa report, kinilala ni Chief Supt. Rolando Nana, director ng Cordillera Police ang nasakoteng suspek na si Joel Balucas, 45, binata, magsasaka at residente nang nasabing lugar.
Bandang ala-1:50 ng hapon kamakalawa nang maaresto ng pinagsanib na elemento ng Lagayan Municipal Police Station (MPS) at Provincial Mobile Force Company (PMFC) si Balucas sa Brgy. Pulot, Lagayan, Abra sa bisa ng warrant of arrest sa kasong double murder at multiple attempted murder na inisyu ni Regional Trial Court (RTC) 1 Presiding Judge Raphiel Alzate ng Bangued, Abra. Wala namang inirekomendang piyansa ang korte sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Samantala, patuloy ang pagtugis sa tatlo pang kasamahan ni Balucas na sangkot sa pagpapasabog.
Magugunita na niyanig ng pagsabog sa kasagsagan ng fireworks display ang piyesta sa nasabing bayan na ikinasawi ng dalawang pulis na sina PO3 Carlos Bocaig at PO2 Frenzel Buneng Kitoyan habang 24 pa ang nasugatan kabilang si Abra Rep. Joseph Sto Niño Bernos at misis nitong si Mayor Menchie Bernos.
Sa tala, si Balucas ay una nang nasakote noong Disyembre 13, 2017 sa kasong 3 counts of attempted homicide gamit ang baril na walang lisensya pero nagawang makapaglagak ng P180,000 piyansa kada isang kaso kung kaya nakalaya at nasangkot naman sa pambobomba.