MANILA, Philippines — Tumagal lang ng halos apat na oras ang isinagawang rescue operation ng tropa ng militar sa dalawang bihag na kamag-anak ng isang alkalde ng Sulu matapos dukitin ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa bayan ng Talipao ng lalawigan, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command ang mga pinalayang hostage victim na sina Edelyn Tulawie, 27-anyos, half –sister ni Talipao Mayor Nebukadnezar Tulawie at ina nitong si Addang Tulawie, 57-taong gulang.
Batay sa report, ang dalawa ay binihag ng 20 mga armadong tauhan ni Abu Sayyaf Sub-Commander Hatib Hajan Sawajaan matapos na salakayin ang tahanan ng mga ito sa Brgy. Kandaga, Talipa, bandang alas-2:20 ng hapon noong Miyerkules.
Ayon kay Besana, matapos na matanggap ang report ay agad namang nagsagawa ng search and rescue operations ang mga sundalo sa Brgy. Sinumaan at Brgy. Kagay kung saan huling naispatan ang dalawang bihag na ligtas na nasagip bandang alas-6:00 ng gabi.
Isinailalim naman ang mga biktima sa medical checkup at trauma debriefing sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Hospital sa Jolo, Sulu.